Hi! You accidentally landed on my nonsense and worthless blog niche. This is my getaway from my offline life. If you know me personally, and you're here, I'd appreciate it if you tell to your friends or to anyone else about this stupid craft of mine.

Comments are welcome, but moderated. Haters will not be tolerated. Constructive criticisms are allowed to some extent. All Rights Reserved. All Wrongs Observed.

Enjoy your stay!

Wackylodeon - No Sense, Makes Sense!

Home » Archives » October 2007 » Page 2

Tinig

October 5, 2007

      

 

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Ilang taon na rin ang nagdaan mula nang huli ko itong maramdaman. Ang akala ko hindi ko na ulit ito mararanasan sa buhay ko. Kapag kausap ko sya, hindi ako mapakali, bumibilis ang pintig ng aking puso. Yung mga bagay na hindi ko naman dati usually ginagawa, ginagawa ko na ngayon. Minsan nga, hindi ko na maintindihan ang sarili ko. Naguguluhan na 'ko. Totohanan na ba ito?

Nagsimula lang naman ang lahat ng ito, nung utusan ako ni Tiya Virginia na tawagan ko ang isa sa mga estudyante nya sa piano na si Charmaigne. Nang tinawagan ko na, nagulat ako dahil may ibang sumagot. Hindi lang isang beses ko itong ginawa. Maraming beses na 'kong tumawag kina Charmaigne, kaya nagulat talaga ako dahil hindi pamilyar ang boses nung babaeng nakasagot sa 'kin. Akala ko nga wrong number ako. Tanong ko nga sa sarili ko, sino kaya ito?

Habang pinakikinggan ko ang kanyang boses sa kabilang linya, naramdaman ko na parang bumabagal ang ikot ng mundo ko. Ninanamnam ko ang bawat segundong naririnig ko ang kanyang malamig, malamyos at nakabibighaning tinig. Tapos unti-unting bumibilis ang pintig ng aking puso. Sa sobrang bilis, hindi ko namalayan na ibinaba na pala nya ang telepono. Ang tanging naririnig ko na lang ay "enk…enk…enk….enk…enk.."

Pagkalipas ng kalahating oras, tinawagan ko ulit si Charmaigne, pero laking gulat ko nang marinig ko na naman ang boses ng babaeng nakausap ko kanina sa telepono. Siniguro ko naman ang mga numerong i-dinial ko sa telepono, pero sya talaga ulit ang nakasagot. Muli, bumagal na naman ang ikot ng mundo ko at bumilis na naman ang pintig ng aking puso. Tanong ko nga sa sarili ko, may dahilan kaya ang lahat ng ito? Posible kaya? Tama bang sabihing sya ang soulmate ko? Isang babaeng hindi ko pa nakikita sa personal at tanging sa boses ko pa lang nakikilala?

Ilang araw din akong ganito. Tatawag kina Charmaigne, pero iba ang makakasagot. Naisip ko nga, ano kaya, yayain ko na kaya sya mag-EB. Papayag kaya sya? Kaya lang wala naman akong pan-date! Dyahe! At tsaka nahihiya pa rin ako sa kanya. Naisip ko, hindi ko kelangan magmadali. Enjoy ko na lang muna yung moment na nagkakausap kami sa telepono. Kapag nakuha ko na ang loob nya at relaks na sya, then… ATTACK! Tsaka kami mag-EB!

Hindi nagtagal nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob para yayain sya na mag-EB at itanong kung anong pangalan nya. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, hindi na sya ang sumagot ng telepono. Wala na sya. Wala na ang babaeng may malamig na boses. Ang babaeng kahit palagi kong kinukulit sa telepono, kalmado pa rin ang boses. Para nga sya lagi naka-maxx. Always smooth. Ilang ulit ko pa uli tinawagan si Charmaigne pero wala na sya talaga. Hindi na sya ang sumasagot ng telepono. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Parang mahihibang na ako.

Nakakalungkot talaga ang ganitong pangyayari. Magkaka-syota na rin sana ako, pero nabigo ako. Nakakainis! Kahit man lang pangalan nya, hindi ko alam. Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, sana sa simula pa lang inalam ko na. Ni hindi ko rin alam kung anong itsura nya. Kung tisay ba sya o black beauty? Kung seksi ba sya o chubby? Basta hindi ko alam! Ang tanging natitira na lang na mga alaala sa aking isipan ay ang mga sandali ng aming pag-uusap at ang kanyang palaging sinasabi sa akin…

"Sorry. The number you dialed is not accessible at this moment. Please try your call later."

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

   

Posted by wackylodeon at 8:05 AM | permalink | comments[6]