Home » Archives » June 2007 » Page 2
Paano Nabuhay Si Eloiski?
June 10, 2007 
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
“Aahhh!!!!!“ sigaw ng isang lalaking naghuhukay matapos makita ang dalawang bangkay na nababalot sa sari-sariling dugo. At nang mahabol na ang hininga ay agad itong humingi ng tulong sa mga pulis. Habang iniimbestigahan ng mga kinauukulan ang nakabaong bahay dahil sa nangyaring landslide, bunga ng isang malakas na bagyo na minsan lang dumating sa tatlumpung taon, ay may nakinig ang mga pulis na ungol na nagmumula sa silong ng bahay. Sinundan nila ito at nakita ang isang duguang batang babae na naiiyak sa sobrang gutom.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang ang dalawang bangkay na natagpuan ay ang mga labi ng mag-asawang si Leandro at Elyssa. Hindi nila maunawaan kung ano ang naging dahilan ng misteryosong pagkamatay ng mag-asawa. Ngunit ang natagpuang batang babae sa silong ng kanilang bahay ay napag-alamang anak ng namatay na mag-asawa. Sya ay si Elsa. limang taong gulang. Dahil ulila na ang bata sa mga magulang nito, nagpasya silang ipaubaya ang custody ng bata sa DSWD upang syang mangalaga sa bata. Dinala sya sa isang bahay-ampunan. At pagkalipas ng dalawang taon ay may mag-asawang hindi magka-anak ang nagkaroon ng interes na sya ay ampunin. Ito ay ang mag-asawang intsik na kilalang negosyante sa bayan ng Binondo.
Lumipas ang maraming taon, lumaki si Elsa na hindi nagtatanong tungkol sa kanyang mga magulang. Lumaki syang maganda, mabait at mahinhin. Bukod pa sa kanyang angking kagandahan, masasabing sya ay matalino sapagkat natapos nya ang elementarya at sekondarya ng balediktoryan. Isama mo pa dyan ang paborito nyang computer games na Ragnarok kung saan sya ay maituturing na isang Ragna Cum Laude. Lupet! At pagkatapos ay pinag-aral sya ng kanyang foster parents sa isang kilalang unibersidad, at ito ay ang University of the Universe kung saan lahat ng mga kilalang negosyante sa buong mundo tulad ni Bell Goats ay doon nagsipagtapos ng pag-aaral.
Naging maayos naman ang buhay ni Elsa sa piling ng mag-asawang intsik. Lahat ng luho ay kanyang nakukuha maliban lamang sa isang bagay. At ito ay ang pagkakaroon ng katipan na isang pilipino. Ayaw ng mag-asawang intsik na ang magiging nobyo nya ay isang pilipino. Dapat ay isang intsik na mahusay sa negosyo. Dahil dito hindi pa sya nakaranas na mahalin at magmahal ng isang pilipino.
Isang araw, habang namamasyal si Elsa sa baywalk kasama ng ilang mga singkiting kaibigan, ay nakita nya ang kanyang high school friend na mahigit dalawang taon na nyang hindi nakikita. Sya si Lando. Ang kaisa-isang pilipino na kanyang naging malapit na kaibigan. Tuwang-tuwa sya dahil sobrang na-miss nya ito. Medyo nagtampo pa sya kase bigla na lang itong nawala matapos na sila ay gumradweyt ng hayskul.
Dahil sa kanilang muling pagkikita, madalas ay si Lando na ang kasa-kasama ni Elsa sa pamamasyal tuwing wala silang pasok sa school. Mabait at masipag si Lando. Isa syang self-supporting student. Guwapo din ito at matangkad. Kaya naman hindi naglaon ay tuluyan nang nahulog ang loob ni Elsa kay Lando. Nalaman ito ng mga tumatayong magulang ni Elsa. Galit na galit sila, at ayaw man nilang gawin ay kinailangan nilang patigilin sa pag-aaral si Elsa para lang malayo sa lalaking mahal nito. Ngunit naging matigas ang ulo ni Elsa, dahil sa tuwing nakakakita ito ng pagkakataon, ay tumatakas ito sa kanilang bahay upang makipagtagpo kay Lando.
Dahil sa labis na pagsuway ni Elsa sa kanyang mga tumatayong magulang, nagdesisyon ang mag-asawang intsik na magbakasyon sa amerika at isama si Elsa para makalimutan nito ang kahibangan nya kay Lando. Nalaman ito ni Lando, kaya naman ng makakita sila ni Elsa ng pagkakataon ay agad silang nagtanan at nagpakalayo-layo upang matakasan ang mga magulang ni Elsa. Nanirahan sila sa lungsod ng Marikina.
Nagpatuloy ng pag-aaral si Lando, at nang makatapos sa kursong Computer Technician sa tulong na rin ng kanyang mga magulang, ay agad itong naghanap ng trabaho upang matustusan naman ang pag-aaral ni Elsa. Lumipas ang apat na taon at nakatapos na si Elsa sa kursong Nursing. Naging isang tanyag na nurse si Elsa dito sa Pilipinas. Habang si Lando naman ay nakapagpatayo na ng dalawang branch ng kanyang Internet Café. Nakapagpatayo na rin sila ng bahay sa isang kilalang subdivision sa lungsod ng Marikina. Masasabing umasenso sila at nalampasan nila ng magkasama ang mga pagsubok na dumaan sa kanilang buhay. Kaya naman naisip nina Lando at Elsa na magpakasal na upang malagay na sa tahimik ang kanilang buhay.
Pagkalipas ng isang taon na pagpupuyat at pag-inom ng ilang herbal supplements whatever, ay nagbunga na rin sa wakas ang kanilang wagas na pagmamahalan. Isinilang ang kanilang malusog na panganay na babae. Pinangalanan nila ito ng Eloisa. Malusog na bata si Eloisa. Sa edad nito na walong buwan ay natuto na agad itong lumakad. Sa edad naman na dalawang taon ay nahilig na ito sa larong ski. Lagi itong nag-i-ski sa planggana gamit ang pamipi ni Elsa. Simula noon, tinawag na nila si Eloisa sa palayaw na Eloiski. Tuwang-tuwa ang mag-asawa kaya naman lubos silang nagpapasalamat sa Diyos dahil biniyayaan sila ng isang malusog at talented na anak.
Isang gabi ng Huwebes. Lumubog na ang araw. Malakas ang ihip ng hangin at buhos ng ulan dulot ng isang malakas na bagyo. Pauwi na si Lando nang maisipan nyang pasalubungan ang kanyang asawa’t anak ng siopao, nang biglang mangyari ang isang hindi inaasahang pagkakataon, na-holdap ang isang branch ng kanyang Internet Café, kaya kinailangan nyang dumaan muna doon para sa imbestigasyon ng nangyaring krimen. Ngunit sa isa pang hindi inaasahang pagkakataon, nang pauwi na sya sa kanilang tahanan, tumirik ang kanyang sasakyan sa kalagitnaan ng pagbuhos ng ulan. Wala syang nagawa kundi ang maghintay na lang sa loob ng kanyang sasakyan sa pagtigil ng malakas na ulan.
Samantala sa bahay nila kung saan sina Elsa, ang kanyang anak, at ang yaya nito ay natatakot na dahil sa sobrang lakas ng ihip ng hangin sa labas. Nag-aalala na si Elsa sa kanyang asawa dahil hatinggabi na ay wala pa rin ito. Kaya naisipan nilang ipagdasal ang kaligtasan ni Lando upang walang masamang mangyari sa pag-uwi nito. Hanggang sa nakatulog na sila sa paghihintay kay Lando.
Kinabukasan paggising nila, inakala ni Elsa na gabi pa dahil sa dilim na bumabalot sa loob ng kanilang bahay. Basang-basa ang mga gamit nila sa putik. Nagulat na lang sya dahil natuklasan nyang natabunan na pala ang kanilang bahay dahil sa nangyaring landslide. Wala pa ring tigil sa pagbuhos ang ulan. Alalang-alala na sya sa asawa nyang si Lando. Naisip nya tuloy na baka napahamak na ito sa daan.
Kinagabihan, hindi pa rin tumitigil sa pagbuhos ang ulan. Ubos na ang kanilang pagkain at kandila. Ang anak ni Elsa ay iyak na ng iyak dahil sa sobrang gutom. Ganon din si Elsa. Nahihilo na sya sa gutom at parang bibigay na ang kanyang katawan. Nang biglang magdilim ang kanyang paningin. Kaya biglang…
“Aahhh!!!!!” sigaw ng yaya ni Eloiski dahil sa matinding pagkagat ni Elsa sa leeg nito. Hindi nya ito binitawan hanggang sa mamatay ito, dahil na rin sa sobrang sakit na tinamo nito. Kinain ni Elsa ang leeg ng yaya ng kanyang anak hanggang sa maubos at maputol ang leeg nito. Napawi ang gutom ni Elsa at napaiyak sya sa kanyang nagawa. Parang mabubuwang sya dahil hindi sya makapaniwalang nagawa nya ang bagay na yun. Iyak sya ng iyak. Tumigil lang sya sa pag-iyak ng mapansin nya ang kanyang anak na parang mababawian na ng buhay dahil sa gutom na nararamdaman din nito. Nag-isip sya ng paraan kung paano nya mapapakain ang anak. Nang makaisip ng paraan ay agad nitong dinala ang anak sa kusina at kumuha ng isang matalas na kutsilyo. Pagkatapos ay…
“Aray!! Aray!!” sigaw ni Elsa matapos hiwa-hiwain ang balat ng kanyang dibdib para ipakain sa anak. Hindi sya tumigil hangga’t hindi napapawi ang gutom ng kanyang anak. Hiwa dito. Hiwa doon. Nang makita nyang busog na ang anak ay tumigil na sya sa paghiwa sa kanyang dibdib. Maya-maya pa, naramdaman nyang parang mababawian na sya ng hininga. Kaya naman agad syang nagdasal sa Panginoon at sinabing…
“Diyos ko! Iligtas nyo po ang anak ko sa trahedyang ito… Ingatan nyo po sya at palakihin ng maayos… At nawa’y maging makabuluhan din ang kanyang kamatayan tulad ng ginawa ko para sa kanya tanda ng aking wagas na pagmamahal…”
Lumipas ang buong magdamag at tuluyan na ring nawala ang unos. Payapa na ang paligid. Hanggang sa may isang lalaki ang nagsimulang maghukay sa natabunang bahay. May napansin syang bintana kaya agad nya itong tinibag at pagkatapos ay binuksan ang kanyang dala-dalang flashlight. Nang biglang…
“Aahhh!!!!” sigaw ni Lando matapos makita ang bangkay ng kanyang asawa at ang yaya ng kanyang anak na nababalot sa sari-sariling dugo. Sobrang putik ng loob ng kanilang tahanan. Naalala nya ang anak. Agad nya itong hinanap. Nakita nya ito sa loob ng kusina. Duguan ang bibig. Umiiyak. Napaiyak sya sa kanyang nakita, hanggang sa hindi nya nakayanan ang bigat sa dibdib na kanyang nararamdaman. Nabaliw sya dahil na rin sa trahedyang sinapit ng kanilang pamilya.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Credits: This pautot artik of mine is half-heartedly dedicated to Enchanting Eloiski which is now currently on hiatus to continue her studies in the Summer Capital of the Philippines. The picture displayed above showing the name Eloisa written in the sand and the not-so-good-smelly-feet (joke!) was made and owned by her. Also the Open 24 Hours flashing on a black background. Thanks sa pagpapagamit. Nag-enjoy ako! He-he! Sige! Good luck na lang sa’yo! Baboo!
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

COMMENT NA! MAGDAMAG ITONG BUKAS! HE-HE!






