Home
U-turn
February 6, 2012
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Sabi nila, ‘Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, may dahilan.’ Alam kong paso na ang linyang ito, pero lagi’t-lagi namang totoo…
Matagal ko nang gustong balikan ang eskwelahang nagbigay sa akin ng karanasan at pagkakataon kung paano maging isang well-oriented na tao. Pero hindi ko magawa. Nangingimi ako. Hindi ko kase alam kung paano ko muling haharapin ang mga taong matagal nang walang presensya sa buhay ko. Hindi ko rin alam kung paano ko sasagutin ang mga tanong na, “Kamusta ka na?” “Ano na’ng pinagkakaabalahan mo?” “Saan ka na nagtatrabaho ngayon?” Kaya kahit gusto kong pumunta, naiisip kong huwag na lang.
Hindi naman sa ayaw ko nang makita ang mga taong naging bahagi ng nakaraan ko. Nahihirapan lang akong balikan sa ngayon ang pinanggalingan ng lahat ng aking mga natutunan (boy EDITor note: ‘Yung iba, paced-out na, hehe.) at naranasan sa kolehiyo dahil wala pa ‘kong napapatunayan na nagamit ko na ang mga ito sa lipunan. Sa madaling sabi, wala pa ‘kong maipagmamalaki.
Hindi rin dahil gusto ko na lang silang kalimutan. Kundi, wala ng lugar para ako ay laging magpakita sa kanila na tulad ng dati. Sapagkat, napagsarhan na ang mga espasyo na sila ay laging makasama. Dulot na rin ng mga pagbabago na sadyang hindi maiiwasan. Nagiging nostalgic nga ako nitong nagdaang dalawang buwan (boy EDITor note: Disyembre at Enero.) at inaalala ang mga panahong ako ay nasa kolehiyo pa.
Nabibilang ako dati sa ilang mga estudyante na gumaganap sa mga gawaing kailangan sa pang-araw-araw na paggalaw ng aming eskwelahan. Kabilang dito ang paglilinis ng mga pasilidad tuwing madaling-araw, at pagsisilbi naman sa mga guro at kapwa estudyante, lalo na sa mga support staff at maging sa ilang mga madre, tuwing bakante sa oras o walang klase. Marillac Grantees kung kami ay tawagin. Pero sa mas popular na tawag, kami ang mga student assistant.
Wala pa man ang araw, nasa eskwelahan na kami. Pero wala na rin ang araw kapag pauwi na kami. Mahirap pero masaya ang maging tulad namin. Mahirap kase pagod na nga ang isip mo dahil sa klase, pagod pa ang katawan mo dahil sa duty. Bukod d’yan, palagi ka pang kulang sa tulog at laging naghahabol sa oras. Pero masaya naman dahil nagkakaroon ka ng pagkakataon na matuto at makaranas ng mga gawain na posibleng magamit mo kapag isa ka na ring empleyado. At hindi lang ‘yun. Nahahasa pa ang people skills mo dahil sa pakikisama sa iba’t-ibang uri ng tao na may kanya-kanyang personalidad. Hindi man pare-pareho ang ginagawa ng ilan sa amin sa klase at duty. Iba-iba man ang mga daan na aming tinatahak papunta sa mga lugar na ito. Pero iisa lang naman ang layunin namin bawat araw—ang pumasok, syempre!
Iyan ang paulit-ulit kong ginagawa bawat araw ng buhay ko noon sa aking eskwelahan. Kapag tapos na ang oras ng pasok ko sa duty, pasok sa klase. Kapag tapos na ang oras ng pasok ko sa klase at mamaya pa ang kasunod, pasok ulit sa duty. Kapag tapos na ulit ang oras ng pasok ko sa duty, pasok naman sa kasunod na klase. At kapag wala nang kasunod na klase, pasok na naman ulit sa duty. At kinabukasan, ganon ulit ang mangyayari. Pasok dito. Pasok doon. Pare-pareho lang na parang kahapon. Nakakapagod kase iyon at iyon din naman ang ginagawa mo araw-araw sa parehong lugar at sa parehong mga tao sa parehong estado. Pero sadya naman yata talagang ganon ang mga routine sa buhay. Kahit nakakapagod at paulit-ulit, may saya namang hatid. Kaya okey na rin.
Kung wala akong nakukuhang saya sa mga ginagawa ko noon bilang student assistant, sa simula pa lang sumuko na ‘ko. Pero may saya akong nakukuha sa mga paulit-ulit kong ginagawa ko noon. Hindi lang ako masyadong showy sa nararamdaman ko, pero masaya ako. At iyon ang totoo. Sabi nga ni Milan Kundera, ‘Happiness is the longing for repetition.’ Alam kong paso na rin ang linyang ito pero, maniwala ka, lagi’t-lagi rin itong tama.
Mahirap na kung mahirap. Nakakapagod na kung nakakapagod. Pero nung nasanay naman ang katawan ko sa mga gawain, nagbago na ang ganitong pakiramdam. Bawat araw na dumadaan sa buhay ko noon, napapansin kong puro pagpapahinga lang pala ang ginagawa ko. Kapag ako ay nasa klase, nagpapahinga ako sa duty. Kapag ako naman ay nasa duty, nagpapahinga naman ako sa klase. Reverse Psychology! Nakakatawa kung tutuusin. Pero ito talaga ang naramdaman ko noong nasanay na ‘ko—ang magpahinga dito at ang magpahinga doon!
Kung meron man akong ipagpapasalamat sa aking eskwelahan, iyon ay ang mga pang-araw-araw na karanasan na nakuha ko sa humigit-kumulang limang taon na pakikisama sa mga taong bumubuo nito. Iyon din naman sa tingin ko ang dapat kong panghinayangan. Makabalik man ako sa lugar, alam kong hindi ko na maibabalik pa ang panahong lumipas na.
At nasaan na nga ba ako ngayon?
Pakiramdam ko’y napadpad ako sa isang lugar na hindi ko matiyak kung meron bang patutunguhan. Wala naman kase akong makitang sign na nagsasabi kung isa bang dead-end street itong aking kinahantungan. Ito ang mga panahong hindi ko na alam ang gagawin dahil sa matinding pagkabigla sa nangyari sa akin. Iyan ang dahilan kung bakit nananatili akong walang sinabi sa buhay. Hindi ko na babanggitin pa kung ano ito. Sabihin na lang nating umaayon ito sa sinasabi ng ilang matatanda, na kung saan ang hilig ng kahoy ay doon ito mabubuwal. Ito lang talaga siguro ang magagawa ko sa ganitong sitwasyon: Ang balikan ang dati kong mundong kinabibilangan at baka sakali ay may magandang kahinatnan. At kung wala man, kailangan ko nang tanggapin ang bagong mundo kong kabibilangan… na pilit kong iniiwasan.
Muli, sa aking eskwelahan at sa mga taong bumubuo nito, maraming salamat sa mga karanasan.
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -






